Tuesday, July 10, 2007

Homecoming


Alas onse ng umaga. Nakatayo sa tapat ng pintuan ng arts studio si Jeremy. Tahimik na humihithit ng sigarilyo, nagmamasid masid at nakatingin sa malayo. “Pare, pag dumating si Sheena, sabihin mo wala ako ha, absent at hindi niyo alam kung nasaan” paalala niya sa ka-opisinang si Bobby na kasalukuyang nirerepaso ang sketch na kaninang madaling araw pa niya ginagawa.

Napatingin sa kanya si Bobby. “Nagbago yata ang ihip ng hangin at iniiwasan mo siya ngayon! Pare, kung ayaw mo na sa kanya, call it quits, hindi yung ganyang nagtatago ka!” Pangaral nito sa kanya.

Nanahimik sandali si Jeremy. Mangha sa mga huling salitang binitawan ni Bobby.
Si Bobby na kilalang lapitin ng mga kolehiyala sa kanilang lugar. Astigin itong pumorma, long-haired, tumutugtog ng gitara para sa isang banda, gumagawa ng mga kanta at tula para sa mga babaeing nakikilala. Isa rin itong 2d animation artist na kamakailan lamang ay nabuntis ang siyotang nursing student na nakatira malapit sa kanilang opisina.

Naiisip pa rin ni Jeremy si Sheena. Nakilala niya ito sa isang jamming session sa banda ni Bobby kung saan siya ay naimbitahan, isang gabi nang wala siyang magawa at kakatapos lamang ng project na ginawa nila para sa isang kliyente.

Naimbitahan lang din noon si Sheena para kumanta sa banda nila Bobby. Piyesta kasi noon sa kanilang lugar, nangangailangan nila Bobby ng bokalista dahil last minute na nag back-out ang orihinal na bokalista nito.

Kabado din noon si Sheena. Unang beses niyang kakanta sa isang banda, kung kaya’t hindi mapigilan na ang daming sablay at paulit ulit ang praktis nila noon sa jamming studio. Nakikita sa mga mata niya ang pagkahiya at panghihina. Nanlalamig ang kanyang mga kamay, at kapag sisimulan na ang kantahan ay parang nawawala at nakakain ng ugong ng gitara at drums ang kanyang boses. Parang hindi ko yata kaya ito ha! Pansin niya sa sarili.

“Sandali lang ha, hihinga muna ako, nanginginig pa kasi talaga ang boses ko e, pasensiya na!” paumanhin nito sa banda.

“Ayos lang yan, wag kang kabahan. Full band naman tayo e, lakasan mo lang ang boses mo!“ pangaral ng isa nitong kabanda. “Wala na tayong oras, last na ito, sige na kaya mo yan!“

Nakaupo lang sa isang ampli sa sulok ng studio si Jeremy, habang pasimpleng kumakanta at nakikisunod sa tugtugan ng nage-ensayong banda. Naiiyak na ang bokalista, pansin nito. At ilang minuto pa ay tuluyan nang mawawalan ng hininga at kakainin ng takot sa harap ng dalawang gitarista at drummer na kinukuyog siyang tapusin ang last round ng praktis.

“Uy pare, papatayin niyo ba bokalista niyo? Magpahinga nga muna kayo, di naman maton yang kasama niyo no!“ paliwanag nito sa grupo nila Bobby.

Nagpahinga ng ilang minuto ang grupo. Nagsilabasan muna ng studio ang miyembro ng banda para magyosi at para magpahinga ng kaunti. Naiwan sa loob ng studio si Sheena na mukhang buringot at nagbubuntung hininga. Nilapitan siya ni Jeremy nang nakangiti at nagsabi, “Uy, pasensiya ka na sa mga iyon ha! Ganyan lang talaga yan pag nagp-praktis, gusto nila walang pahingahan. Kaya nga siguro mas ginusto na lang sumali sa sagala at hindi sa kantahan yung una nilang bokalista, pahirapan kasi kung magtugtugan yung mga kumag na iyon e!” kuwento nito sa babae.

Sabay inom naman ng tubig si Sheena habang nagkukuwento ang lalaki.

“Ayos lang! Nahihiya nga ako sa kanila e. Napapatagal lang ang praktis nila dahil sa kin! Gusto ko rin nama toh e, inuunahan lang ako ng kaba! Alam mo na, ngayon lang kasi ako kakanta sa banda ” kuwento nito kay Jeremy.

Doon nga nagsimula ang pagkakaibigan ng dalawa at matapos noon ay madalas na silang magkausap at magkita Madali rin silang nagkasundo dahil mahilig mag-asaran at magpatawa sa isa’t isa.

Madaling pumuna at gawing katatawanan ni Jeremy ang mga bagay-bagay sa paligid. Bungis-ngisinin naman si Sheena at madaling mapatawa. Kahit na anong biro o pang-aasar sa kanya ni Jeremy ay ngingiti lamang ito, ngunit maya maya pa ay makikipagsabayan na rin sa mga hirit ng lalaki.

Madalas tawaging “sunog na otap” si Sheena dahil noong araw na tutugtog na ang banda sa piyesta ay kumakain ito at nag-aalok pa ng otap, “sunog” dahil madalas ding tuksuhin ni Jeremy ito sa kanyang kulay morenang balat.

Tutuksuhin siya pabalik ni Sheena. “Akala mo kung sino manglait. Di naman ka-gwapuhan at medyo may katabaan pa. Parang si Mojacko na binasa !” Pansin nito kay Jeremy na kung mapapansin nga ay may pagkalapad ng kaunti ang katawan, at kabilugan ang mukha, pansin ang matambok nitong pisngi.

Lumipas ang mga buwan at napansin ng dalawa na nahuhulog na pala ang loob nila sa isa’t isa. Naging magnobyo at madalas magkasama, sa pamamasyal man, sa paglabas kasama ng mga kaibigan o sa pagpapalipas ng sariling pribadong oras.

Masaya sila sa piling ng isa’t isa. Parang heaven, kung baga. Parang walang problemang magpapahiwalay sa kanila. Kadalasan may problema ang babae ukol sa kanyang pamilya dahil gusto nitong matapos ang pag-aaral ng dalaga at maging sobrang galing sa klase. Mamanahin niya kasi balang araw ang negosyo ng mga magulang.

Ang lalaki naman ay may pagkamoody. Minsan mapang-asar at makuwela, ngunit minsan ay dumarating ang mga araw na seryoso ito at hindi na lang nagsasalita. Madalas siyang inaalipunta ng inis, lalo na sa mga araw na hindi niya masimulang gawin ang isang sketch o drawing na kailangan sa trabaho.

Sa mga ganitong panahon ay alam ng bawat isa kung kailan dapat lumayo at magbigay ng sariling pribadong panahon. Pagbibigay ng distansya para mag-isip ng mga pansariling gawain, at hindi nangungulit o humihingi ng oras. Marunong magbigayan, ika nga.

Handa nang ipakilala ni Sheena si Jeremy sa mga magulang bilang isang nobyo. Paanong hindi, tiwala siya kay Jeremy, masaya siya at sa tingin niya ay aalagaan siya nito.

Sa kasamaang palad, hindi sang-ayon ang pamilya kay Jeremy. Isang hamak na
“artist” na nagtatrabaho sa isang maliit na arts studio sa loob ng kanilang subdibisyon. Isang “artist ” na maraming mood swings, at di alam kung ano ang susunod na proyekto o kung meron mang susunod pa rito.

Nabubuhay lamang siya sa mga katha at sketches na pinagagawa sa kanya ng iba’t ibang kliyente.

Mapapakain ka nga ba ng mga larawan ?

Lumipas ang ilang buwan at hindi nagpakita ang dalaga kay Jeremy. Marahil, panahon ito ng pag-iisip kung kailangan ba niyang ipagpatuloy ang pagmamahal sa dalaga. Matagal-tagal ring hindi bumibisita si Sheena sa studio. Malamang na-brain wash na nga ito ng mga magulang, at napaisip na marahil dala lang ang lahata ng bugso damdamin. Reality check, mga bata pa sila at marahil, may iba pang pagmamahal na darating, mas maayos, mas karapat-dapat.

Ano rin nga naman ang mapapala niya sa isang artist ?

Ngunit sa loob-loob rin ng binata, ni hindi man lang siya naipagtanggol ng dalaga. Matino naman ang ginagawa ko, nabubuhay naman ako sa talentong mayroon ako, bakit ko ito ikakahiya ?

Huling balitang narinig niya tungkol kay Sheena ay aalis na ito patungong Australia, kung saan balak niyang ipagpatuloy ang pag-aaral ng kursong business management. Balak na ring manirahan ng pamilya doon.

Isa lamang akong artist. Kaya ko lamang magpasaya ng tao dahil sa mga imahe at malikhaing katha na nagagawa ko. Nakaguguhit ako ng magagandang mukha, lugar at paraiso, ngunit hindi ko ito maibibigay sa kanila. Makaguguhit ako ng nakakaaliw na imahe, ngunit hindi ng pangarap. Hindi makukuntento ng guhit ko ang mga naisin nila sa buhay.


At ang pag-ibig ay tulad ng pagguhit ng larawan. Ang isang larawan, magandang tingnan, nakakaaliw sa paningin ; ang pag-ibig nakakamangha at masarap sa pakiramdam. Ang larawan kapag nasira, nadumihan at di na maibalik sa dating ganda, hindi na kagigiliwan ng tao, gayundin ang pag-ibig kapag nahaluan ng gulo, kalungkutan at komplikasyon, nagiging mahirap.

Ngunit ang larawan may pagkakataon pang ulitin at iguhit muli ng artist. Ngunit may pagkakataon kung saan ang pangalawang gawa ay hindi na kasingganda at kasing pulido ng naunang larawan.Llalo na kung ang orihinal na gawa ay dala pa ng aktibo at sariwang imahinasyon…dala ng isang musa na minsan lamang kung dumating. ...mahirap nang muling ulitin, mahirap na uling gawin. Wala na ang inspirasyon

Ganoon din ang pag-ibig. Puwedeng simulan muli. Puwedeng bigyan ng pangalawang pagkakataon. Ngunit, paano kung wala na ang unang mahika na dala ng unang pag-iibigan? Nagkakaroon ng kawalang tiwala, ng pag-iisip kung tama bang ibalik ang pag-ibig. Naipagpapatuloy nga ba ito dahil sa pagmamahal o sa pangngailangan na lang ng karamay, o di kaya’y pagkasanay sa taong pinag-alayan ng pag-ibig, panahon at oras?


Itinapon ni Jeremy ang nalalabi sa kanyang yosi. Lumapit siya sa kanyang art desk at tinitigan ang sketch na kanya pang ginawa mula kagabi habang hinihintay niyang matapos ang sketch na ginagawa ni Bobby para sa tinarapos na comics.

Ilang sandali pa, narinig niyang nagtatakbo patungo sa loob ng studio si Bobby, mukha itong nagmamadali at balisa. Nilingon siya ni Jeremy mula sa kanyang art desk.

“Je, si Sheena paparating !..Nakasalubong ko siya sa daan kanina at hinanahanap ka !” sumbong ng kaibigan.

Dali-daling naghanap ng taguan si Jeremy. Sa kanyang pagkatuliro ay nabangga niya ang lalagyang bote ng tinta ng felt-tip pen at pati na ng lalagyan ng mga lapis. Nahulog ito sa sketch na kanina lamang niya tinapos at ngayo’y nakatimbre sa art desk ni Jeremy. Nabasa ito ng tinta at nadumihan. Sketch ito ni Sheena, hawak ang isang gitara habang nakatingin sa malayo, malungkot ang mga mata at ang buhok nitong mahaba animong iniihipan ng malakas na hangin at mariing tumatama sa kanyang mukha.

Napatigil sumandali si Jeremy at napatitig sa nasirang larawan. Ngunit hindi rin nagtagal ay nagmadali itong muli at nagmadaling kumaripas sa likod na pintuan ng arts studio. Mula rin sa bintana, nakikita niya ang paparating na pigura ni Sheena na papalapit na sa pinto.

Pagdating ni Jeremy sa likod na pintuan ay napansin niyang naka-lock pala ito. Bumalik siya sa harap ng studio at naisip na lamang magtago sa palikuran.

Walang silbi rin ang planong pagtatago ni Jeremy dahil pagbalik nito ay tumambad na mula sa kanyang harapan ang malungkot na mukha ni Sheena.

Ang mga mata nitong malungkot, at mugto sa luha na animoy galing sa isang buong gabi ng pag-iyak. Nagkaharap ang dalawa at nagkatitigan. Sa ilang saglit, walang nasabi ang bawat isa. Parang isang eksena mula sa pelikula.

Ilang saglit lang ay nagising mula sa pagkatitig si Jeremy. Nagbigay ng isang malungkot na ngiti at dumeretso papaalis ng arts studio. Naiwan ang isang malungkot na Sheena. Tuloy-tuloy siya sa kanyang paglabas at di na muling lumingon. Plano na niyang huwag nang magpakitang muli.#

No comments: